MALOLOS CITY—Ikinagagalak ng mga Bulakenyo ang taunang pagdiriwang ng Linggo ng Palapas dahil sa paniniwalang ito ay magiging daan upang muling mabuhay ang naglalahong sining ng “puni.”
Ang “puni” ay isang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay “pagandahin” o “dekorasyon.”
Ito ay isa rin sining ng paglulupi at pagtitiklop ng mga dahon ng na ngayon ay kilala bilang “puni art.”
Ayon kay Rheeza Hernandez ng Puni De Malolos, isang grupong nagsusulong muling popularidad ng naglalahong sining, ang karaniwang dahong ginagamit sa paglikha ng puni art ay ang mga dahon ng niyog at sasa.
Sinabi niya na bago pa dumating ang mga Kastila sa bansa, ang puni art ay ginagawa ng mga Bulakenyo.
Simple lamang ang paggawa ng puni art, ayon kay Hernandez at binigyang diin na kailangan lamang ay ilupi, itiklop at lalahin ang mga dahon upang malkikha ang nais na hugis.
Sa mga nagdaang panahon, ang puni art ay nagagamit bilang laruan tulad ng mga isda, ibon at tipaklong na hinubog mula sa mga iniluping dahonng niyog.
May iba pang gamit ang puni art katulad ng lalagyan ng pagkain. Ilang halimbawa nito ay ang suman, at balisungsong na kanin.
Bukod sa mga ito, nagagamit din ang puni art bilang mga religious paraphernalia tulad ng palaspas kung Palm Sunday, o kaya ay pandagdag na dekorasyon sa palaspas.
Ayon kay Hernandez, habang nagtatagal ay dumadalang ang gumagawa ng puni art, ngunit dumadami naman ang pinagghagamitan nito.
Aniya, bukod sa mga palaspas, nagagamit na ring pandekorasyon sa bahay ang puni art, partikular na ang mga makukulay na likha ng Puni De Malolos.
Ilan sa mgakabagong gamit ng puni art ay sinturon, bracelet, kuwintas, hikaw at iba pang fashions accessories.
“Marami sa mga kostumer namin ay mula sa Metro Manila na nagpapagawa ng mga made to order puni arts na akma sa kanilang pangangailangan,” ani Hernandez.
Iginiit pa niya na ikinagagalak nila ang taunang pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas dahil ito ay nagsisilbing daan upang higit na makilala ang naglalahong sining ng puni.
Hinggil naman sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas, sinabi ni Father Rolando de Leon ng Marilao na ito ay isang paggunita ng sambayanang Kristiyano sa maringal na pagpasok nsa lungsod ng Jerusalem ng Panginong Hesus may 2,000 taon na ang nakakaraan.
Sinabi ni De Leon na dapat ay pagbulayan ng bawat mananampalataya ang mensahe ng pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem dahil iyon ang simula ang pagdurusa ng Anak ng Diyos para sa kapatawaran at katubusan ng kasalanan ng sangkatauhan.
Hinggil naman sa kaugalian ng mga Pilipino na pagsasabit ng palaspas na nabendisyunan sa harap ng kanilang bahay, sinabi ng pari na iyo ay bahagi ng paninkiwala ng mga tao na maghahatid na dagdag na biyaya dahil sa nabendisyunan ang palaspas.
Para naman sa mga residente ng Hagonoy at Calumpit, naniniwala sila na ang nabendisyunang palaspas ay magtataboy sa masasamang espiritu.
Ngunit para sa mga pari at pastor ng nagkakaisang simbahang Metodista sa Bulacan, dapat na manatili ang pananampalataya ng tao sa Diyos at hindi sa mga bagay na nilikha lamang ng tao.
No comments:
Post a Comment