Brgy. Corazon, Calumpit, Bulacan. |
Epekto ng WMD sa Bulacan
Dalawang buwan ang nakalipas matapos manalasa ang bagyong Pedring at Quiel sa lalawigan hatid ang malakas na ulan na nagdulot ng malalim na pagbaha sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Paombong, Obando, Marilao, Bocaue at maging sa mga lungsod ng Malolos Meycauayan.
Magpasalamat tayo dahil sa tayo ay nakaligtas, ngunit ang ilan ay hindi kasing-palad natin.
***
Tanong ng marami, ano ang dahilan ng nasabing pagbaha. Sinisisi ng ilang ang pagpapatapon ng maraming tubig mula sa mga dam.
Dapat daw ay pakonti-konti lang.
***
Napagbalingan ng iba ay ang nakakalbong kabundukan ng Sierra Madre sa silangang Bulacan.
Marami daw kasing “barbero” doon na kung tawagin ay “timber poachers” na namumutol ng punong kahoy.
***
Sinisi rin ang bumababaw na kailugan kung saan tumitining ang tone-toneldang banlik mula sa tubig ulan na dumaludos sa kabundukan na naging banto sa ilog.
Di raw kasi nagsasagawa ng dredging ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
***
Isang problema yan sa DPWH, kasi daw ay “Highways” lang ang sakop nila, at hindi kasama ang “Waterways.”
Kaya naman ang payo ni Provincial Administrator Jim Valerio, dapat magkaroon ng tanggapang “Department of Public Works and Waterways” (DPWW).
***
Para naman sa mga environmentalist, ang katatapos na pagbaha sa bulacan ay isa lamang sa mga epekto ng climate change o ang pagpapalit ng klima ng mundo na habang umiinit ay lalong nagiging mapaminsala.
Ayon sa mga environmentalists, ilan sa climate change ay higit na mabalasik o malalakas na bagyo, na may dalang mas maraming ulan.
***
Inihalimbawa nila ang ulan na hatiid ng bagyong Ondoy noong 2009.
Ang ibinuhos daw na ulan ng bagyong Ondoy sa loob ng 12 oras ay halos nakakatumbas ng ulan para sa isang buwan. Ayun, nakita naman natin ang epekto sa kalakhang Maynila, di ba?
***
Sa isang panayam ng Promdi sa isang opisyal ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pag-asa) may apat na taon na ang nakakaraan, di pa raw masasabing mag climate change sa Pilipinas dahil wala pang malinaw na pag-aaral noon.
Pero ngayon, pamahalang pambansa mismo ang nagsusulong ng usapin sa climate change. Ilan sa halimbawa ay ang pagpapatibay ni Pangulong Aquino sa National Climate Change Action Plan (NCCAP) at pagpapasinaya niya sa Climate Change Academy sa Albay noong nakaraang linggo.
***
Ang pagapapatibay ng Pangulo sa NCCAP at pagpapasinaya sa Climate Change Academy ay isang pag-amin na naririto na at nararamdaman na sa bansa ang epekto ng climate change.
Hindi lang yan, nananalasa pa at isang halimbawa ay ang pananalasa ng pinakamalalim na baha sa Hagonoy at Calumpit nitong Setyembre at Oktubre.
***
Ang totoo, hindi na lingid sa atin ngayon ang climate change.
At hindi rin natin kailangan ang mga dalubhasa upang ipaliwanag sa atin ang epekto nito, dahil nararanasan natin.
***
Para kay United Nations Secretary General Ban-Ki-moon, ang climate change ay isang “global security threat.”
Ito ay dahil sa malawakang pagbaha o tagtuyot ay magiing sanhin ng tag-gutim at higit na kahirapan, maaaring humantong sa pangigibang bayan o bansa ng tao, upang makaiwas sa posibilidad ng karahasan.
***
Para naman kay Oli Brown, program manager at policy researcher ng International Institute for Sustainable Development (IISD), ang climate change ay maituturing na mapaminsalang WMD.
Hindi po Weapon of Mass Destruction ang ibig sabihin ni Brown sa WMD, sa halip ay “Weather of Mass Destruction.”
***
Totoo ang pakahulugan ni Brown sa WMD, dahil sa malawakang pinsalang hatid ng climate change sa mga bansa at pamayanan.
Ilan lamang sa halimbawa ay ang bahang hatid ng Ondoy noong 2009 sa Maynila at ilang bahagi ng Bulacan; at bahang hatid ng Pedring at Quiel sa Bulacan at Pampanga nitong Setyembre at Oktubre.
***
Huwag na nating bilangin ang mga nasawi sa dalawang pagbaha sa loob lamang ng dalawang taon.
Bigyang pansin na lamang natin ang pinsalang hatid nito sa Bulacan na umabot sa mahigit P3-B na halos kasing laki ng halaga ng kabuuang pondo ng kapitolyo ng Bulacan sa buong taon.
***
Isipin na lamang natin. Umabot na mahigit P3-B ang napinsala sa sa Bulacan hatid ng bagyong Pedring at Quiel, at iyon ay napinsala sa loob lamang ng dalawang linggo.
Hindi rin naiiba ang karanasan ng lalawigan ng Albay ng ito ay sagasaan ng bagyong Reming noong 2006. Ayon kay Gob. Joey Salceda, sa loob lamang ng anjim na oras na pananalasa ng Reming, mahigit sa 30 porsyento ng ekonomiya ng Albay ang tumagas.
***
Ngayong tanggap na natin ang epekto ng WMD sa Bulacan, isang katanungan ang nararapat sagutin ng ating magigiting na mga lingkod bayan.
Anong mga hakbang na inyong gagawin upang hindi makapaminsala o kaya ay mabawasan ang pinsalang hatid ng WMD sa Bulacan?
No comments:
Post a Comment