PromdiNews

Sunday, April 17, 2011

Pinakabatang Bulakenyong ipinako sa krus tigil na; 4 pa ipapako sa krus sa Paombong



PAOMBONG, Bulacan—Hindi na muling lalahok sa taunang pagpapapako sa krus sa Brgy. Kapitangan ng bayang ito ang pinakabatang Bulakenyo na ipinako sa krus matapos ang 16 na taon.

Gayunpaman, sinabi niya na siya ay “on call” na ibig sabihin ay anumang oras at kahit saan ay maaari siyang magpapako sa krus lalo kung may mensahe uli sa kanya ang “Diyos Ama.”

“Hanggang 16 times lang ang message sa akin na magpapako, like the number of the station of the cross,” ani Alexie “Buboy” Dionisio, 33, ang pinakabatang Bulakenyo na lumahok sa taunang pagpapapako sa krus sa Brgy. Kapitangan ng bayang ito.

Si Dionisio ay 15-taong gulang lamang ng unang ipako sa krus noong 1994.  Huli siyang ipinako sa krus noong nakaraang taon na isang ika-16 na sunod na taon niya ng paghtupad sa diumano’y utos sa kanya ng “Diyos Ama.”

Ang 16 na sunod na taong pagpapapako sa krus ni Dionisio ay tinampukan ng paglahok noong 2009 ng Jewish-Australian comedian na si John Safran, na lumikha ng kontrobersya dahil sa paglilihim ng tunay na layunin ng kanyang pagpapapako sa krus.

Ayon kay Dionisio ang kanyang pagtigil sa pagpapapako ay hindi dahil sa panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Sinabi niya na ilang beses na siyang binawalan, ngunit siya ay nagpatuloy dahil hindi tao ang nag-utos sa kanya, sa halip ay ang Diyos.

Ngunit sa kabila ng di niya paglahok sa taong ito, sinabi ni Dionisio na hindi iyon nangangahulugan na tuluyan na siyang titigil.

“Kung sakaling may mensahe sa akin, nakahanda ako, parang on call, anytime, anywhere, kahit hindi Mahal na Araw, basta may hudyat sa akin,” aniya at sinabing kahit saan siya magpunta ay dala niya ang pako na ginagamit sa pagpapako sa kanya.

Ito ay upang matupad niya ang utos sa kanya ng Diyos anumang oras at saan man siya naroon.

Nilinaw din niya na ang paglahok niya sa pagpapapako sa krus sa nagdaang 16 na taon ay hindi isang panata, sa halip ay pagtupad s autos ng “God the Father.”

Sa kabila naman ng pagtigil niya sa paglahok, sinabi ni Dionisio na hindi siya titigil sa iba pang mga nakagawiang gawain kung semana santa.

Kabilang dito ay ang pagsasagawa niya ng pabasa sa kanilang bahay mula sa araw ng Linggo ng Palaspas, pagpapaligo sa milagrosong imahe ng Sto. Cristo sa kapilya ng Kapitangan kung Miyerkoles Santo ng Gabi, pagsasagaw ang Bisita Iglesias a mga simbahan sa Bulacan kung Huwebes Santo, at panalangin sa Kapitangan kung Biyernes Santo.

Hinggil sa taunang pagpapapako sa krus sa Brgy. Kapitangan, sinabi niya na apat na tao ang magpapako doon simula sa Huwebes Santo.

Ang Brgy. Kapitangan ay matatagpuan sa tri-boundary ng mga bayan ng Hagonoy, Calumpit at Paombong.  Ito ay nagsisilbing isang pangunahing pilgrimage site sa Bulacan kung semana santa.

Ayon kay Dionisio, isa ang ipapako sa krus sa Huwebes Santo at tatlo sa Biyernes Santo.

Ang nag-iisang babae naman na dating kipinapako sa krus sa Kapitangan kung Biyernes Santo ay ipapako sa Miyekoles Santo sa San Pedro Cutud, San Fernando City, Pampanga. 

No comments:

Post a Comment