PromdiNews

Saturday, March 5, 2011

Paalam, Casa Eden

Paalam, Casa Eden  
Kapansin-pansin ang matamlay na kilos ng mga waiter at waitress sa Casa Eden Kitchenette nang ako ay magpunta doon noon Pebrero 15.

Naglaho ang sigla at parang nahaharap sa isang bukas na walang kasiguruhan.

“Magsasara na ang Casa Eden sa 28,” ani Cita, isa mga waitress doon na naging kabiruan naming mga mamamahayag na parating tumatambay at kumakain sa Casa Eden na matatagpuan sa Crossing ng Malolos.

Akala ko ay nagbibiro lang si Cita.  Pero totoo ang kanyang sinabi at itinuro sa akin ang mga kahon sa isang sulok na pinaglagyan ng mga gamit.  Nagsisimula na silang magbalot noon.

Tiningnan ko ang cook na si Manang Luisa at ang utility man na si Mang Eddie.  Di sila kumibo, bakas sa mata nila ang lungkot, at doon ko nakumpirma na hindi nagbibiro si Cita.

Magkakatulad ang kanilang tanong sa akin.  “Paano na kami? Saan na kami magtatrabaho?”

Taon na rin ang binilang ng kanilang paglilingkod sa Casa Eden, kaya’t normal ang mga tanong na iyon. Mababa man ang suweldo nila, pero mas mainam na iyon kaysa walang inaasahan.

Hindi lang sila ang may tanong.  Ako man at maging si Carmela Reyes ng Philippine Daily Inquirer at Newscore ay may katanungan.

“Saan na tayo tatambay ngayon,” tanong sa akin ni Carmela ilang araw matapos ang Pebrero 15.

Ngunit hindi lamang isang tambayan para sa aming mga mamamahayag ang Casa Eden.  Ito ay ikalawang bahay namin, at nasisilbi ring “press center”, at mga may-ari nito at mga manggagawa ay itinuring na rin naming na bahagi ng aming mga pamilya.

Una akong napunta sa Casa Eden noong 2002 nang ako yayain ng yumaong si Pete Gosuico ng Manila Bulletin.

“Akala ko beerhouse ito, restaurant pala,” ani ko kay Mang Pete matapos kaming umorder ng pancit guisado sa unang pagpunta ko sa Casa Eden.

Ang totoo, gayundin ang komento ng bawat kaibigan kong naisama sa Casa Eden ng mga sumunod na panahon.  Dahil siguro sa may billboard ng San Miguel Beer na nakasabit sa harap ng restaurant.

Napadalas ang pagpunta ko sa Casa Eden matapos kaming kumain doon ni Mang Pete.  Ito ay dahil naging bahagi ito ng “press triangle.”

Sa ibayo ng Casa Eden ay matatagpuan ang Mitsubishi Photo Developing Studio kung saan kami nagpapaimprenta ng mga larawang kuha sa coverage.  Wala pa kaming digital camera noon.

Habang pinapadevelop namin ang mga litrato, sinasabayan na namin ng pagkain ng pananghalian, o kaya merienda o pagkakape sa Casa Eden.

Pagkatapos maimprenta ang litrato, ipinapa-scan naman naming ito sa Leighbytes Computer Center na kahanay ng Casa Eden sa kahabaan ng Paseo Del Congreso sa Brgy. Catmon, Malolos.

Doon na rin kami sa Leighbytes gumagawa ng istorya na aming ipinapadala sa mga pahayagang aming pinaglilingkuran.   Wala pa kaming mga laptop noon.  Siyempre, habang gumagawa ay nakikipag-kulitan na rin kami kay Father Pedring ng Leighbytes Computer Center.

Pagkatapos ng trabaho ay balik kami sa Casa Eden, tuloy ang kuwentuhan habang nagmemerienda at nagkakape ang mga mamamahayag.  Karaniwang nakakasama naming ni Carmela ay sina Rommel Ramos ng GMA7, Boy Cruz ng Pilipino Star Ngayon, Emil Gamos ng Journal Group of Publications, Jeeno Arellano, Shane Velasco at Nene Ocampo ng Punla, at iba pang mamamahayag sa Bulacan.

Ito ay ang halos araw-araw na gawain namin sa unang tatlong taon naming ng pamamalagi sa Casa Eden matapos akong isama doon ni Mang Pete.

Bukod sa mga araw-araw na gawain ito, may mga partikular na okasyon din kaming isinagawa sa Casa Eden.

Noong 2006, doon ko isinagawa ang binyag para sa aking supling na si Bethany Eirene.  Nang sinundang taon, doon din inilunsad ni Carmela ang kanyang pahayagang Newscore.

Bukod dito, hindi mabilang isinagawa naming “press con” sa Casa Eden kung saan maraming opisyal na may mataas na tungkulin sa lipunan ang aming nakaharap, bukod pa sa ibang mga party.

Sa Casa Eden rin naming pansamantalang iniiwan ang mga sipi ng pahayagang Mabuhay at Newscore.  Sa Casa Eden rin bumabagsak ang mga kopya ko ng ibang pahayagan ipinadadala sa koreo mula sa Pampanga.

Maraming dahilan kung bakit naging pangalawang bahay at “field office” ng mga mamamahayag sa Bulacan ang Casa Eden.

Una ay dahil sa masarap ang pagkain doon partikular na ang pancit miki-bihon guisado, mga combo meals, mga sizzling, barbecue, posit, litid at iba pa.

Sa mga kaibigan at mga kasama sa trabaho kabilang ang aking mga patnugot sa Mabuhay at Punto Central Luzon ay walang masabi sa pagkain ng Casa Eden na kanilang natikman kundi, “masarap!”

Totoo, masarap ang pagkain sa Casa Eden dahil ang may ari nito ay anak ng may-ari ng Panciteria Ideal sa Malolos. 

Ngunit bukod sa masarap, ay abot kaya ang presyo ng kanilang mga pagkain.

Ikalawa, kabilang sa “press triangle” ang Casa Eden, at malapit ito sa mga lugar na aming pinamamalagian.

Ikatlo, mababait at nakapalagayang loob namin ang mga may-ari at manggagawa sa Casa Eden.

Ikaapat, nakakagawa kami ng aming mga istorya doon dahil may libreng wi-fi.

Ikalima, suki namin silang mambabasa ng aming mga pahayagan.

Maliban sa ikalimang kadahilan, ang lahat ay maglalaho na dahil noong Pebrero 28, 2011 ay isinara na ang Casa Eden.

Ayon sa mag-asawang Orlando at Eden Lim, natapos na ang kanilang  15-taong kontrata sa may-ari ng lupang kinatitirikan ng Casa Eden. 

Pero umabot sila ng 17-taon, dahil sa dalawang taong ektensyon.

“Dapat ay noong 2009 pa kami nagsara dahil finished contract na,” ani Eden na isa sa mga ninang ng aking supling na si Bethany Eirene.

Sa kuwento ni Eden, sila ang nagpatayo ng istraktura ng restoran, kaya’t sa loob ng 15-taong kontrata ay renta lang sa lupa ang kanilang binayaran.

Ngayong tapos na ang kontrata, babayaran nila ang renta sa buong istraktura ng restoran na kanilang ipinatayo, kung nais nilang ipagpatuloy ang paggamit doon.

“Hindi naming kakayanin, malaki ang bayad sa renta dahil malaki itong restoran,” ani Eden ngunit hindi binanggit kung magkano ang sinisingil sa kanila para sa panibagong kontrata.

Batay sa pagtaya sa kasalukuyan bayaran sa rentahan sa Malolos, posibleng umabot ng P40,000 hanggang P50,000 bawat buwan ang pagrenta sa istraktura ng restoran dahil sa laki nito. 

Bukod dito ang bayarin sa kuryente at tubig, sweldo ng mga manggagawa, at puhunan sa pagbili ng mga pagkaing lulutuin bawat araw.

Ilang kaibigan ni Eden ang nagtangkang tumulong upang magpatuloy ang Casa Eden.  Ngunit, wala rin nangyari.

Pagabi na noong Lunes, Pebrero 28  ng muli akong sumilip sa Casa Eden.  Nailabas na ang mga gamit, ilang tarabahador na lang ang nandoon dahil sina Mareng Eden at Pareng Lando ay nag-aayos ng mga gamit sa bahay na kanilang nilipatan.

Tumayo ako sa may pintuan.  Minasdan ko ang loob ng restoran. Wala na ang mga mesa at mag silya doon na nagsilbing saksi sa ilang taon ng pamamalagi doon. Madilim na rin, ilang ilaw na lang ang bukas. Nadama ko rin ang lungkot. Pero wala akong magawa.

Habang palayo, sinalubong ako ng halik malamig na simoy ng hangin ng papadilim na huling gabi ng Pebrero sabay sambit sa aking sarili ng tatlong katagang,  “paalam, Casa Eden.”